BATAAN – PINAGHAHANAP pa ang isa sa dalawang binatilyo na nalunod sa isang beach resort noong Linggo ng hapon sa Barangay Pag-asa, Bagac.
Batay sa ulat ni Bagac Municipal Police Station Chief of Police Capt. Albert Manabat kay Bataan Police Director Col.Villamor Tuliao, nakilala ang mga biktimang sina Marlon Anguluhan, 18-anyos, at Kenneth Jay Ar Bawar, 14-anyos, pawang mga residente ng Barangay Ibis.
Galing umano sa isang party ang mga biktima kasama ang iba pang mga kaibigan nang magkayayaang maligo sa dagat na nasa tapat lang ng isang beach resort.
Alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente at masaya pa umanong naglalaro at nagtatampisaw sa dagat ang apat sa mga ito nang biglang humampas ang malaking alon na tila humigop sa mga ito sa malalim na bahagi ng dagat.
Nakatawag ng saklolo ang mga kasamahan ng mga ito kaya nasagip ang dalawa subalit hindi na lumutang sina Anguluhan at Bawar.
Kahapon ng tanghali ay natagpuan si Bawar sa search and retrieval operations ng Philippine Coast Guard at rescuers ng Metro Bataan Development Authority (MBDA). ROEL TARAYAO
Comments are closed.