NAMUMURO ang panibagong pagtaas sa singil sa koryente sa susunod na buwan.
Ito’y makaraang ibalik ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pangongolekta ng Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) simula sa Pebrero.
Ang FIT-All, ang fee na kinokolekta mula sa mga consumer upang matiyak ang pag-unlad at pagsusulong sa renewable energy sa bansa, ay sinuspinde noong December 2022 dahil sa malaking FIT-All Fund balance. Ang FIT-All ay kinokolekta sa rate na P0.0364 per kilowatt-hour.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, kailangang maglagay ulit ng pondo upang matiyak ang matatag na suplay ng renewable energy mula sa solar, wind, hydro at biomass plants sa bansa.
“Paniniguro lang ito na hindi mapuputol ang supply ng ating renewable energy plants,” pahayag ni Dimalanta sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Kapag nagkataon, ito na ang ikalawang sunod na buwan na may dagdag-singil sa koryente.
Ngayong Enero ay tumaas ang singil sa koryente dahil sa pagtaas sa generation costs.
Sa abiso ng Manila Electric Co. (Meralco), magkakaroon ng upward adjustment na P0.08 per kiloWatt-hour (kwh) sa singil sa koryente ngayong buwan.
Dahil dito, ang overall rate para sa isang typical household ay tataas sa P11.3430 per kWh mula P11.2584 per kWh noong Disyembre.
Nangangahulugan ito na ang total electricity bill ay maaaring tumaas ng P17 para sa mga kumonkonsumo ng 200kWh ng koryente, P25 sa gumagamit ng 300 kWh, P34 sa 400 kWh, at P42 sa kumokonsumo ng 500 kWh kada buwan.