(Nagbabalita ng Tama Naglilingkod ng Tama) PAGBABAGO SA DWIZ KAABANG-ABANG

(nina EUNICE CELARIO at SUSAN CAMBRI)

Mga kuha ni RUDY ESPERAS

SA PANAHON na tila virus ang fake news, na nagdudulot ng kalituhan sa mga mamamayan, ikinakasa ng Aliw Broadcasting Corporation (ABC) ang malawak na sakop ng paghahatid ng impormasyon at paglilingkod ng tama sa pamamagitan ng radio station nitong DWIZ kasama ang kanilang DWIZ Regional Integrated News.

Sa slogan na Naglilingkod ng Tama Nagbabalita ng Tama, sakto lang ito sa pagbabagong bihis ng DWIZ sa ilalim ng masusing pagpaplano at pag-aaral ng mga pinuno nito sa katauhan nina Atty. McNeil M. Rante, Special Assistant to the Chairman/Executive Vice President and General Manager at Mr. Dennis Antenor, Jr., Vice President for Business Development and TV/Digital Manager.

Matutunghayan, mararamdaman at malalasahan ngayong araw ang mga ilalatag na pagbabago ng mga key official ng ABC sa pangunguna ng Presidente nitong si Mr. Randy Cabangon at sa gabay rin ni ALC Group of Companies Chairman D. Edgard A. Cabangon.

Sakop na nito ang buong mundo bilang audience sa pamamagitan ng worldwide web at social networking sites .
Kaya naman sasabay na sa networld ang DWIZ kasabay rin ang Aliw 23 TV.

BAGO SA DWIZ
Sa bagong DWIZ, aalisin na ang buntot na 882 sa logo upang mabigyan-diin ang pangalan ng 73-year old na radio station na dating tinawag na DZPI noong 1949 hanggang 1972 at na-acquire ng ALC Group of Companies sa ilalim ni dating Chairman Antonio L. Cabangon Chua.

Habang ang mga regional radio station ay tatawaging DWIZ Regional News.

“Sa mga regional kasi iba ang numero sa talapihitan, hindi 882, at upang hindi malito dahil napakikinggan at napanonood kami through live streaming, napagdesisyonan na DWIZ na ang official logo pero ganuon pa rin ang font style,” ayon kay Antenor.

Inanunsyo nina Rante at Antenor sa PILIPINO Mirror, ang kapatid na kompanya ng ABC, na maraming pagbabago ang gagawin sa radio station bukod sa world wide coverage, kasama na rin ang pagtaas ng antas sa serbisyo sa kanilang audience.

Makikipagsabayan ang DWIZ at Aliw23 sa cyberspace upang maiparating ang mga impormasyon, komentaryo, opinyon ng mahuhusay na broadcast anchor at mga kaganapan sa Pilipinas at maging sa labas ng bansa gamit ang digital platforms.

“ Habang ibinibigay namin itong pagbabago, nag-isip kami ng bago, ng kailangan at makatutulong sa aming audience, we will introduce ang bagong programming sa January 30, nakaplantsa na iyan, kasabay niyon, ay there will be new thing, ‘yung relationship namin sa Filipino, people we want them to know na lahat ng itong mga bagay na ginagawa namin, ay pinag-isipan namin, but at the end of the day it’s always for our target audience, the Filipino people,” dagdag ni Antenor.

“The advocacy side of it, the Filipino people keep informed, kailangan alam nila ‘yunng balita na pinaka-fresh. One, kailangan nilang makuha ang impormasyon sa pamamagitan ng mga balita, mga breaking news, mga ayon sa pag-aaral, mga showbiz balita kung ano ang mga uso, ‘yun ang responsibilidad to keep them informed. Kasi everyday, lahat sila (audience) magdedesisyon at kung maibibigay natin sa kanila ang tamang impormasyon, iyon ang guide nila,” ayon kay Antenor.

NAGBABALITA NG TAMA, NAGLILINGKOD NG TAMA
Para sa bagong pamunuan, mahalaga ang serbisyong maibibigay sa kanilang listeners at viewers kaysa lakas ng power o sikat na anchors.

Sa bagong DWIZ, idiniiin ang slogan na “Nagbabalita ng Tama, Naglilingkod ng Tama”, na siyang adbokasya ng himpilan.

“At the end of the day, it should be always about our service to the people, Nagbabalita ng Tama, Naglilingkod ng Tama,”ayon kay Antenor na pangontra rin sa talamak na fake news.

Ang mga programa ng DWIZ ay mapapanood din sa Digital Free TV Aliw 23, Sky Cable 72, TV Plus 27 at GMA Affordabox 32.

Maaaring sundan sa YouTube Channel DWIZ 882 at FB Page DWIZ882.

 

ANTENOR SOCMED MASTER
Tiwala ang ABC na maia-aaply ni Antenor, pamosong digital and content creator, ang kanyang expertise upang lumawak ang audience ng DWIZ.
Nagsimula bilang disc jockey sa regional radio station sa Pangasinan at unti-unting nakapasok sa online and video presentation sa social media.
Mismong ang kaniyang vid clips sa social networking sites ang magpapatunay kung paano naging effective at humakot ng milyon-milyong followers mula sa netizen.
Personal growth at spiritual values ang laging content ng vid clips na sine-share ni Antenor kaya naman pumatok sa milyong-milyong netizens.
Sa panahon na puno ng pagsubok kailangan ng publiko ang mga inspirational words at iyon ang inihain ni Antenor.

ATTY MCNEIL, HANDA SA HAMON
Malaking hamon para sa abogadong si McNeil Rante ang pagkakahirang bilang mataas na opisyal ng DWIZ.
Matagal na sa matapat na serbisyo sa ALC Group of Companies si Atty. McNeil bilang legal counsel.
Dahil sa ipinakitang kakayahan nito ay pinili siyang ipuwesto ng pamunuan sa larangan na para sa kanya ay bago.
Palibhasa ay pinanday mula sa iba’t ibang taong nakasasalamuha, hindi mahirap para kay Atty. McNeil ang mag-adjust nang siya ay mapunta sa industriya ng brodkas o pagbabalita.
Pagpapakita ito ng malakas na personalidad na taglay ng isang abogado.
“Kaya.. kaya naman,” sabi ng abogado sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Bagama’t may mga hamon na kinahaharap at naiiba sa kanyang propesyon, positibo si Atty. na mapagtatagumpayan ang bawat hakbang ng pagbabago sa DWIZ.
Katuwang ni Atty. McNeil si G. Dennis Antenor, Jr. at ang mga empleyado ng DWIZ ay sama-samang susuungin ang magandang pagbabagong ito na alay sa mga Pilipino.