ISABELA – ARESTADO ang isang buy and sale agent ng mga sasakyan at isa sa maituturing na high value target ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Santiago City, nang salakayin ng awtoridad ang kanyang bahay sa pamumuno ni P/Major Rolando Gatan hepe ng Santiago City Police Station.
Nakilala ang nadakip na si Joselito David, 29, residente ng Llanes St., Purok 5, Barangay Sagana, Santiago City, sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Efren Cacatian ng Regional Trial Court, Branch 35, Santiago City.
Una nang nasakote ang tatlo pang pinaniniwalaang mga kasama ni David bago isilbi ang search warrant kina Joey Garcia, 33, residente ng Purok 1, Dubinan East, Santiago City; Roderick Garcia, 39, may asawa, residente ng Purok 5, Barangay Sagana, Santiago City; at si Samuel Camacam, 26, estudyante, residente ng Purok 6, Barangay Rosario, Santiago City.
Sa bisa ng search warrant na isinilbi kay David, nakumpiska sa kanya ang iba’t ibang uri ng malalakas na baril tulad M16 armalite rifle, isang kalibre 45, isang kalibre 38, isang granada, at mga sari-saring bala ng baril.
Bukod sa mga baril at bala ay nakakumpiska rin sila ng 17 sachet ng pinaniniwalaang shabu, limang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, plastic canister na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang karton ng aluminum foil, at dalawang timbangan.
Batay sa pagsusuri ng Santiago City Crime Laboratory, tinatayang aabot sa mahigit 1,000 ang halaga ng mga nasamsam na shabu at mahigit P20,000 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na high grade marijuana. IRENE GONZALES