(Nagmasid, nanood lang ang puhunan) PAMILYA BINUHAY SA PAGIGING TECHNICIAN

ISA nang  magaling na cellphone at computer technician ngayon ang dating nagmamasid at nanonood lang na batang  si John Michael Maniego a.k.a. frpking.

Si King ay 32-anyos, tubong Nueva Ecija at kasalukuyang naninirahan sa lungsod ng Makati, may isang 10-anyos na anak lalaki at panibagong biya­yang parating dahil sa buntis ang kanyang kinakasama.

Hindi naging madali para kay King ang matutong mangalikot ng mga cellphone at computer dahil lubhang itong masalimuot partikular na maliit na parts nito ay may diagram ng bawat unit ng cellphone at maging ng mga laptop.

Walang pormal na pag-aaral, hindi dumaan sa training, nagbasa ng libro at tumuntong sa eskuwela para matutong maging isang technician.

Natuto lamang si King sa pamamagitan ng pa­nonood na bandang huli ay nagsimulang magsubok na mangalikot-likot at hanggang sa unti-unti ay natuto.

Sa 20 taong cellphone technician ni King at aminado itong malaki ang kanyang naging puhunan na umabot sa P150,000 suba­lit nabawi naman niya ito sa kalaunan.

Ngunit patuloy pa rin siyang gumagastos dahil sa patuloy napag-upgrade ng mga unit at software na kinakailangan sa pagkumpuni ng cellphone.

Kabilang sa mga gamit bukod sa tools na kaila­ngan ay bumili si King ng laptop na 2nd hand, computer, panghinang, hot air at computer box para sa program sa mga unit ng cellphone.

Kumikita rin si King ng mahigit sa P20,000 kada buwan kaltas na ang upa sa puwesto, kuryente at pagkain nito sa araw-araw at hindi naman siya namamasahe dahil malapit lamang ang kanyang puwesto sa bahay.

Ang upa ni King sa kanyang puwesto ay P500 kada araw kasama na ang kuryente maliban sa internet  dahil kailangan niya ito sa kanyang pagkukumpuni.

Paliwanag ni King, kung aayusin lamang ang cellphone at walang anumang piyesa na papalitan ay mura lamang ang si­ngil nito na nasa P150 ang pinakamababa at  P700 ang pinakamataas depende sa sira.

Nagmamahal lamang ito kung ang pinagawang unit ay kailangang palitan na piyesa dahil binibili rin ito sa kapwa technician o sa tindahan.

Bukod sa kita ni King, mayroon din sariling kita o trabaho ang kanyang partner sa buhay kaya may katuwang din siya sa gastos sa bahay.

Ang upa nila sa bahay ay nasa P9,000 kada buwan hindi pa kasama ang kuryente, tubig at internet.

Kuwento pa ni King, hindi rin madali ang buhay technician dahil sa may panahon na wala talagang nagpagagawa sa buong maghapon kaya umuwi siyang nganga.

Ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil alam niyang sa negos­yong kanyang pinasukan ay kailangang sumugal lalo na’t hindi lang naman siya ang technician sa buong gusali at hindi rin lahat ng tao sa araw-araw ay mayroong extra na pera para ipagawa ang sirang cellphone o gadget.

Sa kanyang pagtitiyaga at pagtitiis ay nagkakaroon siya ng araw na sob­rang dami naman niyang customer at iyong iba nga ay binabalikan na lamang kinabukasan ang kanilang unit.

Ibinahagi rin ni King ang naging buhay niya ng kasagsagan ng pandemya na kung saan talagang walang kinita dahil sa sarado ang mall kaya gumawa siya ng ibat-ibang diskrateng legal para kumita.

Walang choice si King na kundi minsan mag-home service o kaya sa bahay niya gagawin ang unit para lang may kita.

Nang mga panahong iyon, kailangan ng pamilya ni King na magtipid sa kanilang gastusin subalit ang mahalaga sa kanila ay makakain sa maghapon at malampasan ang hamon ng pandemya.

At ngayong level 3 na ang kalakhang Maynila, lubhang nagpapasalamat si King dahil unti-unti na rin  bumalik sa normal ang kanilang buhay at kita.

Bilang technician kabilang si King sa grupong GSM Sandwich Pasmatag Chapter, isang grupo o Samahan ng mga technician na nagtutulong-tulong sa kani-kanilang mga pa­ngangailangan at pagdagdag para lumawak ang kanila pang nalalaman. CRISPIN RIZAL