NAGNAKAW NG MOTOR NASAKOTE

huli

CAVITE- ARESTADO ang isang suspek na sangkot sa carnapping incident sa Quezon City sa isinagawang follow-up operation ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) nitong Miyerkules ng umaga sa Dasmariñas sa lalawigang ito.

Kinilala ni Maj. Hector Ortencio, Chief DACU ang suspek na si Mark Anthony Tan, 40-anyos at residente ng Imus, Cavite.

Batay sa ulat, alas-3 ng hapon nitong Martes, nagtungo sa opisina ng DACU ang biktimang si Argie Abit at ini-report na tinangay ang kanyang Suzuki Raider 150 na motorsiklo habang nakaparada sa harap ng No. 157 Boni Serrano 10th Ave., Brgy. Soccoro, Quezon City.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba at Miyerkules ng ala-6 ng umaga ay nakatanggap ng impormasyon na nakita ang nasabing nakarnap na motorsiklo sa kahabaan ng Brgy. Salitran III, Dasmariñas, Cavite.

Pinuntahan ng mga operatiba ang lugar at pagdating doon, nakita nila ang suspek na nakasakay sa ninakaw na motorsiklo habang nakikipag-usap sa dalawang lalaki na sakay din ng isa pang motorsiklo.

Nang maramdaman ang presensya ng mga pulis, mabilis na bumaba mga ito sa kanilang mga motorsiklo at kanya-kanyang kumaripas ng takbo patungo sa hindi malamang lokasyon, ngunit nakorner ang suspek na si Tan na naging dahilan ng pagkakaaresto nito.

Narekober ang isang unit ng Suzuki Raider 150 at isang unit na Honda ADV motorcycles.

Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10883 o ang Anti-Carnapping Act of 2016 sa harap ng Quezon City Prosecutor’s Office. SID SAMANIEGO