INANUNSIYO kahapon Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagsisimula ng closed fishing season sa Zamboanga Peninsula at Visayan Sea noong Miyerkoles.
Ayon kay BFAR Information and Fisherfolk Coordination Unit head Nazario Briguera, ang fishing ban ay tatagal ng tatlong buwan o mula November 15, 2023 hanggang February 15, 2024.
Sa panahong ito ay hindi muna papayagan ang mga commercial fisher o malalaking sasakyang pandagat na manghuli ng ilang klase ng isda, gaya ng galunggong o tamban. Ito ay taon-taon na ginagawa para makapagparami ng isda.
“[Commercial fishing vessels] lang po naman talaga ang sakop nung closed fishing season. Bawal po sa commercial fishing po ‘pag panahon ng closed fishing season, subalit doon po sa mga municipal fisherfolk po tuloy naman sila sa pangingisda,” sabi ni Briguera.
“Pagdating po sa tulong, institutionalized po ang tutulong-tulong ng ibang mga government agencies. Pati taon-taon naman pong ginagawa itong closed fishing season at may ibinibigay na alternative livelihood sa ating mangingisda,” dagdag pa niya.
Inaaahan naman ng BFAR ang paggalaw sa presyo ng galunggong sa panahon ng closed fishing.
“Expectedly sa local fresh galunggong, mas mataas ito (presyo) dahil may gap sa supply. Pero we expect na once na magtapos na ang closed fishing season, bababa na presyo ng local fresh galunggong,” sabi ni BFAR Spokesperson Nazer Briguera.