MAHIGIT sa P100 million na education aid ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 42,000 benepisyaryo sa ikatlong araw ng nakaiskedyul nitong distribusyon.
Sa ulat ng GMA News, sa kabila ng anunsiyo ng DSWD na hindi papayagan ang walk-ins para sa pagkuha ng cash aid ay marami pa rin ang nagbakasaling magtungo sa DSWD central office.
Tinukoy ang DSWD data, sinabi sa report na hanggang alas-2 ng hapon ng Sabado, Setyembre 3, mahigit sa P100-M na ang naipamahagi sa mga benepisyaryo.
Sa Casiguran, Aurora, ilang senior citizens ang pumila para sa ayuda ngunit pinauwi sila sa kawalan ng confirmed schedule.
Iginiit ng ilang walk-in applicants na nagsumite sila ng online registration subalit walang natanggap na text confirmation.
May ilan ding nagrereklamo na hindi nila mabuksan ang website, ngunit sinabi ng DSWD na pansamantala lamang ang technical issue.
Kinansela naman ang cash distribution sa Batanes, Ilocos Sur, at Tanay, Rizal dahil sa masamang panahon. Ipagpapatuloy na lamang ang pamamahagi sa ibang araw.