(Nais ng DOTr chief) MAXIMUM PENALTY VS OTS PERSONNEL

NAIS ni Transportation Secretary Jaime Bautista na patawan ng maximum penalty ang airport screening personnel na sangkot sa umano’y pagnanakaw sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na nagpahayag ng pagkadismaya si Bautista sa insidente at inatasan ang Office of Transportation Security (OTS) na agad na kasuhan ang mga security screening personnel.

“The Secretary further directed Undersecretary for Legal Atty. Reinier Yebra to assist in filing the complaints against those determined to have connived in stealing from the hand carried bag of a Chinese passenger,” nakasaad sa statement.

Makaraang magsagawa ng imbestigasyon, inirekomenda ng OTS ang pagsasagawa ng legal at administrative actions laban sa security screener na nahuli sa CCTV na nilunok umano ang ninakaw na USD300 mula sa bag ng papaalis na pasahero.

Sa report, sinabi ng OTS na bukod sa screening personnel, dalawang iba pa — ang supervisor at isang X-ray operator, ang lumabas na nakipagsabwatan sa Sept. 8 incident.

Ayon sa OTS, ang tatlo ay sumasailalim sa preventive suspension.

(PNA)