NAGTALA ang national government ng P6.3-billion budget surplus noong Oktubre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa pinakahuling cash operations report nito na inilabas nitong Miyerkoles, sinabi ng BTr na ang fiscal surplus noong Oktubre ay reversal mula sa P34.4-billion deficit na naitala noong nakaraang taon.
Ayon sa BTr, mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, ang fiscal deficit ay lumiit sa P963.9 billion na nasa 64.94 percent ng P1.48 trillion full-year program.
Tumaas ang revenue collections ng double-digit na 22.63 percent sa P473.1 billion mula P385.8 billion noong October 2023.
Ayon sa BTr, pangunahing dahilan nito ang paglago kapwa sa tax at non-tax collections.
Ang tax revenues ay tumaas ng 16.94 percent mula P354.8 billion sa P414.9 billion sa likod ng mas mataas na koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Bureau of Customs (BOC).
Tumaas din ang non-tax revenues ng 87.65 percent sa P58.3 billion mula P31 billion noong nakaraang taon.
Mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon, ang revenues ay tumaas ng 16.8 percent sa P3.76 trillion mula P3.2 trillion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa year-to-date revenues, P3.23 trillion ang nagmula sa mga buwis, na lumago ng 11.40 percent.
Ang nalalabing P 539.4 billion ay nagmula sa non-tax sources, na bumilis ang paglago sa 64.93 percent.
Samantala, ang expenditures ay nagkakahalaga ng P466.8 billion, tumaas ng 11.08 percent mula P420.2 billion na nagasta sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
“This was mainly attributed to higher personnel services expenses due to the first tranche of the salary adjustments of qualified civilian government employees and the release of FY 2022 Performance-Based Bonus of the Department of Education,” ayon sa BTr.
“Spending was likewise bolstered by the implementation of infrastructure projects of the Department of Public Works and Highways and foreign-assisted rail projects of the Department of Transportation, as well as the social protection and health programs of the Department of Social Welfare and Development, and the Department of Health, respectively,” dagdag pa nito.
Samantala, lumago ang disbursements mula Enero hanggang Oktubre ng 11.52 percent sa P4.73 percent.
Katumbas ito ng P5.75 trillion revised full-year target.