INAASAHAN ang pagtaas sa pasahe sa eroplano sa susunod na buwan makaraang itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge level sa gitna ng pagmahal ng presyo ng jet fuel.
Sa isang advisory, sinabi ng CAB na ang passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinakda sa Level 7 para sa November 1-30 period, mula sa kasalukuyang Level 6.
Sa ilalim ng Level 7, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay mula P219 hanggang P739 depende sa layo.
Para sa international passenger flights na magmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay mula P722.71 hanggang P5,373.69.
Sa ilalim ng kasalukuyang Level 6, ang mga pasahero ay magbabayad ng P185 hanggang P665 na fuel surcharges para sa domestic flights, depende sa layo ng biyahe.
Samantala, para sa international flights, ang surcharge ay naglalaro sa P610.37 hanggang P4,538.40.
Nakahanda namang sumunod ang mga airline company sa fuel surcharge matrix na ilalabas ng CAB para sa pagbili ng tickets sa susunod na buwan.