NAMUMURO ang isa na namang bigtime oil price increase sa susunod na linggo.
Ayon sa industry sources, base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw (July 31-August 3, 2023), ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring tumaas ng P3.40 hanggang P3.60.
Samantala, nasa P2.45 hanggang P2.65 kada litro naman ang posibleng taas-presyo sa kerosene, habang sa gasolina ay P0.15 hanggang P0.35 kada litro.
Ang inaasahang price hike ay kasunod ng anunsiyo ng Saudi Arabia na pagbabawas sa produksiyon ng langis.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.10 kada litro, diesel ng P3.50, at kerosene ng P3.25 kada litro.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11 kada litro at diesel ng P3.10 kada litro.
Samantala, ang presyo ng kerosene ay nagtala ng P0.10 kada litrong pagbaba.