(Nakaka-istorbo sa online classes) VIDEOKE BAN SA NAVOTAS

videoke

IPAGBABAWAL sa Lungsod ng Navotas ang videoke at malakas na pagpapatugtog matapos magreklamo dahil sa ingay ang mga estudyanteng nasa online classes.

Ito ang kahilingin ni Mayor Toby Tiangco sa kanyang sulat sa Konseho na may petsang Oktubre 5 na ipagbawal ang pag-iingay maliban kung araw ng Linggo dahil nabubulahaw umano ang mga mag-aaral.

“Sumulat po tayo sa a­ting Sangguniang Panlungsod para mapag-usapan nila ang pagpasa ng ordinansa ukol sa pagbabawal ng paggamit ng videoke at karaoke o pagpapatugtog nang malakas mula Lunes hanggang Sabado. Ito ay para matulungan natin ang ating mga estudyante na makapag-aral nang mabuti,” anang alkalde.

“In view of the foregoing, request is hereby made for the enactment of an ordinance temporarily prohibiting the use of karaoke or videoke machines from the date of effectivity until 30 July 2021, which is the estimated date for the end of the school year, from Monday to Saturday,” nakasaad sa liham.

Gayunpaman, puwedeng kumanta ang mga Navoteño kapag araw ng Linggo ngunit limitado pa rin ito mula lamang ala-1 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.

Ang kahilingan ng alkalde sa Sangguniang pinamumunuan ni Vice Mayor Clint Geronimo ay “for urgent consideration.”

“Habang hindi pa po ito naipapasa, hinihingi po natin ang pang-unawa, pagmamalasakit at kooperasyon ng lahat. Mahirap po ang kalagayan ng ating mga estudyante pati mga guro—malaking hamon ang pag-aaral o pagtuturo sa bahay. Kaya iwasan po natin ang mga gawaing maaaring makagambala sa kanila,” ani Tiangco. EVELYN GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.