(Nakapaloob sa 2023 budget)P206.5-B AYUDA MAGPAPAANGAT SA EKONOMIYA

KUMBINSIDO ang liderato ng Kamara na ang naitalang 7.6 percent na paglago sa gross domestic product (GDP) sa third quarter ng taon ay resulta ng ‘silent efforts’ o tahimik subalit tuloy-tuloy na pagsusumikap ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na lalo pang paangatin ang ekonomiya ng bansa mula sa mabigat na epekto ng pandemya.

Kasabay nito, sinabi ni House Committee on Appropriations Vice-Chairperson at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Luz Quimbo na asahan ang lalo pang paglakas ng domestic output, na solusyon din sa pagsipa ng inflation, bunsod na rin ng pagnanais ng Marcos administration na maglaan ng P206.5 bilyon bilang pondo para sa cash subsidies o iba’t ibang ayuda programs sa susunod na taon.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez, ang pagiging masigasig ni Presidente Marcos sa aspeto na muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa ay nagsisimula nang magkaroon ng positibong resulta, at patunay rito ang nabanggit na GDP growth ngayong taon.

“I myself witnessed how the President engaged business stakeholders here and abroad with the purpose of moving forward from ravages caused by the COVID-19 pandemic,” sabi pa ng lider ng Kamara.

Sa idinadaos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Phnom Penh, Cambodia, kung saan kasama sa official delegation ng Pilipinas si Romualdez, sinabi ng Leyte 1st. Dist. lawmaker na lalo pang nagkaroon ng malaking pagkakataon ang bansa na patatagin ang relasyon nito sa rehiyon at makapang-engganyo ng maraming dayuhang mamumuhunan.

“It makes me feel proud to see our President being warmly received by his fellow leaders in the region. He has been welcomed and embraced. Other leaders in Asia are looking forward to meeting him and talking business with him. Dare I say, the President has been like a rockstar here,” ani Romualdez.

Samantala, binigyan-diin ni Quimbo, na isang respetadong economist-lawmaker, na ang pagpapalawak sa domestic output ang mabisang panangga sa pagsipa ng inflation at ito ay nagagawa naman ng gobyerno sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng fuel at fertilizer subsidies upang mapatatag ang produksiyon ng agriculture sector.

Aniya, ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan ay isang hakbang din upang mapalakas ang paggastos ng mga mamamayan na makatutulong sa local producers o manufacturers at service providers na maipagpatuloy ang kanilang negosyo.

Nabatid kay Quimbo na sa ilalim ng panukalang 2023 national budget, isinusulong ng Marcos administration na maglaan ng P206.5-B para sa subsidies at cash aid programs nito, kung saan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magkakaroon ng P165.40 billion para pondohan ang kanilang social assistance programs, habang ang nalalabing halaga ay para sa Department of Health (DoH), Department of Labor and Employment (DoLE), at Department of Agriculture (DA), na may kanya-kayang ‘ayuda’ programs.

ROMER R. BUTUYAN