P200-M TAX SA POGO FIRMS NAKOLEKTA NG BIR

POGO

NAKAKOLEKTA ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng inisyal na P200 million mula sa anim na kompanya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)  sector kaugnay sa kampanya nito na pagbayarin ng tamang buwis ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa bansa.

Sa sidelines ng 115th anniversary ng BIR noong nakaraang linggo, sinabi ni Commissioner Caesar R. Dulay na ang mga kompanya na pinadalhan ng letter- notices kaugyan sa mga buwis na dapat nilang bayaran sa pamahalaan ay nagbabayad na ng kanilang pagkakautang.

“They are paying already,” wika ni Dulay.

Ayon kay Deputy Commissioner Arnel SD. Guballa, base sa preliminary figures ng BIR,  ang kawanihan ay nakakolekta na ng P200 million na buwis mula sa anim na kompanya sa POGO sector magmula nang simulan nito ang kampanya noong Hulyo 2019.

“It’s around P200 million [from six companies in the Pogo]…That’s just the start,” ani Guballa.

Nauna nang sinabi ni Dulay na nagpadala ang BIR ng letter-notices sa ilang  POGO service providers upang pagbayarin ang mga ito ng ka­rampatang buwis bilang withholding agents sa halagang P4.44 billion.

Noong nakaraang buwan ay sinabi ng Department of Finance (DOF) na minamadali na ng BIR ang pagpro­seso sa taxpayer identification numbers (TIN) ng mga foreign national nagtatrabaho sa bansa, kabilang ang mga nasa POGO sector, kaugnay sa inisyatibo ng gobyerno na ma­ngolekta ng tamang buwis.

Binigyang-diin ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III na lalaki pa ang  tax collections sa mga dayuhang nagtatrabaho sa bansa sa sandaling maisyuhan silang lahat ng TINs.

Nauna rito ay iniulat ng DOF na tinatayang P2 billion na buwis ang makokolekta mula sa foreign nationals na nagtatrabaho sa POGO sector. REA CU

Comments are closed.