(Nakolekta ng gobyerno) P440-B EXCISE TAX, IMPORT DUTIES

UMABOT na sa P440 billion na excise tax at import duties, kabilang ang value added tax (VAT), mula sa mga produktong petrolyo ang nakolekta ng pamahalaan hanggang noong nakaraang buwan magmula nang ipatupad ang fuel marking scheme noong 2019, ayon sa Department of Finance (DOF).

Sa datos ng DOF mula September 4, 2019 hanggang May 26, 2022, ang total duties at taxes na nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa fuel imports ay nagkakahalaga ng P439.396 billion.

Ang nakolekta ng BOC ay nasa P409.58-B habang ang BIR ay nakalikom ng P29.81-B.

Ang naturang revenue ay nakolekta mula sa 42.104 billion liters ng marked fuel.

Ang fuel marking program ay alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at naglalayong masugpo ang oil smuggling.

Ang imported fuel na minarkahan ng pamahalaan gamit ang special ink ay nangangahulugan na nabayaran na ang kinakailangang import duties.

Nauna nang nanindigan ang pamahalaan laban sa mga panukalang suspendihin ang pangongolekta ng excise tax at VAT sa petrolyo dahil magreresulta ito sa pagkawala ng bilyon-bilyong halaga ng government revenues.

Iginiit ng Malacañang na hindi maaaring suspendihin ang fuel excise tax sa kabila ng tumataas na presyo ng langis dahil ang buwis ay gagamitin sa pagpondo sa mga programa ng pamahalaan.

Naunang sinabi ng Department of Budget and Management na nasa P117 billion ang mawawalang kita sa pamahalaan o 0.5% ng gross domestic product ng bansa kapag sinuspinde ang koleksiyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.