MAY kabuuang P202.5 milyong halaga ng smuggled agri-fishery products ang nakumpiska ng Department of Agriculture (DA) sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang buwan.
Ayon sa DA, ang mga nakumpiskang produkto ay nakalagay sa 24 container vans at naka-consign sa Asterzenmed Inc. at Seaster Consumer Goods Trading Inc.
Ang mga ito ay misdeclared o misclassified.
Ang milyon-milyong halaga ng smuggled agricultural products ng consignee Asterzenmed Inc. ay natuklasan sa ilang operasyon habang siyam sa 24 container vans na naglalaman ng fresh red at white onions na tinatayang may kabuuang market value na P77.8 million ay sa Seaster Consumer Goods.
Noong Enero 23, tatlong containers na natuklasang naglalaman ng fresh yellow onions, red onions, potatoes at roasted sweet potatoes na may tinatayang market value na P24.4 million ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Sinundan ito ng pagkakakumpiska sa tatlo pang containers na naglalaman ng red onions, imitation crab stick, at frozen boneless beef, na may kabuuang tinatayang market value na P31 million.
Samantala, isa pang inspeksiyon sa tatlong containers ng Asterzenmed Inc. ang nagresulta sa pagkakakumpiska sa P24 milyong halaga ng red onions at assorted meat products, habang P21.5 milyong halaga ng smuggled assorted meat products ang nasamsam din matapos ang pag- inspeksiyon sa tatlong iba pang container vans.
Ang pinakahuling operasyon na iniulat noong Enero 27 ay nagresulta sa pagkakatuklas sa dalawang container vans na naglalaman ng mga patatas at fresh yellow onions na may tinatayang halaga na P23.6 million.
Ayon sa DA, ang mga nakumpiskang agricultural products ay nagmula sa Hong Kong at China, at walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance.
Ang operasyon ay isinagawa sa pinagsanib na puwersa ng DA Inspectorate and Enforcement at partner agencies, kabilang ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Plant Industry (BPI), Bureau of Animal Industry (BAI), atb Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). PNA