APAYAO – LABINSIYAM na pasahero ang humabol sa Undas nang mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang truck sa munisipalidad ng Conner.
Ayon kay PNP Cordillera Administrative Region Spokesperson Major Carolina Lacuata, alas-5 ng hapon noong Huwebes nang maganap ang aksidente sa may Sitio Gassud, Brgy. Karikitan.
Sakay ng trak ang 43 katao nang mahulog sa bangin na may lalim na 15 metro.
Sa inisyal na pagsisiyasat, mechanical failure ang sanhi ng pagkahulog ng truck.
Dead on the spot ang mga biktimang sina Margie Agustin Pamittan, Amparo Ole Aberion, Brenda Datul Talay, Imelda Ole Talay, Pacita Dajucon, Mercy Pataras Gundan, Leticia Bayaua Patay, Susana Ballesteros Milo, Rosemarie Bayaua Molina, Hermilina Dacuycuy, Ludalina Talay Molina at Aida Batallones.
Patay rin sina Domingo Gundan Asperela, Mamerto Pigaten Milo, Conrado Molina Sabatan, Clari Culili Mamauag, Jason Verdaderi Talay, Rudy Velasco Pagtama at Reymundo Battad Sosa.
Habang patuloy na ginagamot ang 21 pang pasahero sa Cagayan Valley Medical Center sa Cagayan.
Nakuha na rin ng mga kaanak ang labi ng 19 pang nasawi.
Sa imbestigasyon na isinagawa ng mga tauhan ni P/Capt. Manuel Canipas, ng hepe ng Conner Police Station, pauwi na umano ang Elf truck na sinasakyan ng mga biktima na minamaneho ni Merlito Gannaban nang mamatay ang makina ng sasakyan sa paakyat na bahagi ng daan sanhi upang umatras at nahulog sa bangin.
Isa rin umano sa sanhi ay overloading ang sasakyan dahil kargado pa ito ng mga binhi ng palay. REA SARMIENTO/IRENE GONZALES