(Namumuro ngayong Marso) BAWAS-SINGIL SA KORYENTE

MAGANDANG balita sa mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) dahil nagbabadyang bumaba ang singil sa koryente ngayong buwan.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ito ay dahil sa inaasahang mas mababang generation charge ngayong Marso.

Gayunman ay nilinaw niya na hindi pa natatanggap ng  Meralco ang lahat ng billing mula sa mga supplier nito.

Sa kabila nito, sinabi ni Zaldarriaga na ang inaasahang pagbaba sa generation charge ay dahil sa pagpapatuloy ng operasyon ng San Buenaventura power plant makaraang sumailalim sa  maintenance, at sa psgbaba ng WESM prices sa harap ng bumuting supply situation sa Luzon grid.

Mag-aambag din sa inaasahang pagbaba sa singil sa koryente ang refund sa incremental generation charges na tumugon sa pagtaas sa natural gas prices sa ilalim ng bagong gas sale at purchase deal.

Nauna nang inanunsiyo ng Meralco na magbibigay ito ng refund sa mga customer para sa generation charges kasunod ng adjustment sa natural gas prices, na magre-reflect sa March billing.

“We are hoping that this reduction in the generation charge will be able to temper the anticipated increase in transmission charge due to higher ancillary service charges,” sabi ng Meralco.

Noong Pebrero, ang singil sa koryente ay tumaas ng 57.38 centavos per kilowatt-hour (kWh).

Dahil dito, ang overall rate para sa isang typical household ay tumaas sa P11.9168 per kWh noong nakaraang buwan mula sa P11.3430 per kWh noong Enero.

Ang upward adjustment ay katumbss ng  P115 sa total bill ng residential customer na kumokonsumo ng 200 kWh. May dagdag naman na P172 sa mga kumokonsumo ng 300kwh, P229 sa 400kwh, at P287 sa kumokonsumo ng 500kwh.