NAGBABADYANG tumaas ang singil sa koryente sa susunod na taon makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pangongolekta ng nalalabing 70 percent ng reserve trading amounts na natamo sa kaagahan ng 2024 bilang bahagi ng ancillary services ng National Grid Corporation (NGC).
Ayon sa ERC, ang kabuuang halaga na hindi pa nakokolekta sa power consumers dahil sa deferred payments sa power reserve market ay nasa P3.05 billion, na due para sa February at March 2024 billing periods.
Ayon sa power industry regulator, ang halaga ay kokolektahin nang pautay-utay sa loob ng tatlong buwan, simula sa January 2025, para sa mga nasa Luzon; at anim na buwan para sa mga nasa Mindanao at Visayas.
Ang pagpapaliban ay resulta ng suspensiyon ng power reserve market operations dahil naging salik ito na nagpataas sa singil sa koryente sa kaagahan ng taon.
Ang suspensiyon ay bahagyang inalis noong Mayo, dahilan para marekober ng power reserve generators ang paunang P1.7 billion.
Sa nalalabing P3.05 billion na kokolektahin, sinabi ng ERC na ang kaukulang rate impact sa consumers ay P0.124 per kilowatt hour (kWh) para sa Luzon at Visayas, habang ang Mindanao ay magkakaroon ng rate impact na P0.033 per kWh.
Nang tanungin kung hindi na puwedeng ipagpaliban ng ERC ang naturang pagtaas, sinabi ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na ang pagpapaliban ay magtatamo ng karagdagang penalties at makaaapekto rin sa rates para sa summer sa 2025.