(Namumuro sa Christmas week) TAAS-PRESYO NA NAMAN SA PETROLYO

INAASAHAN ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P0.35 hanggang P0.70, diesel ng P1.10 hanggang P1.40, at kerosene ng P0.90 hanggang P1.00.

“This is based on the four-day trading in Market Operator Performance Standards. The relevant news for the week in the international oil market that contributed to the said adjustments are stronger US dollar and fall of US crude stocks,” ayon kay Romero.

Ang final adjustments ay malalaman matapos ang MOPS trading nitong Biyernes.

Sa hiwalay na panayam sa DZBB Super Radyo, sinabi ni Romero na ang iba pang salik sa napipintong oil price hike ay ang patuloy na armadong tunggalian sa Middle East at ang production cuts ng oil-producing countries.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Disyembre 17, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay tumaas ng P0.80, at kerosene ng P0.10.

Year-to-date, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11.35 kada litro at diesel ng P9.55 kada litro, habang ang kerosene ay nagtala ng net decrease na P1.90 kada litro hanggang December 3, 2024.
LIZA SORIANO