INAASAHAN ang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Base sa four-day trading sa Mean of Platts Singapore, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero na ang presyo ng gasolina ay tinatayang bababa ng P0.70 hanggang P0.95 kada litro.
Nasa P0.70 hanggang P0.95 kada litro naman ang posibleng tapyas sa presyo ng diesel at P0.80 hanggang P0.90 kada litro sa kerosene.
“The current trend leans bearish due to the oil market expectations of plentiful supplies and weak demand,” sabi ni Romero.
“Likewise, the Gaza Ceasefire Negotiation threatens to erode the geopolitical risk premium of crude and petroleum products,” dagdag pa niya.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, July 23, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.10, habang bumaba ang sa diesel ng P0.40, at kerosene ng P0.70.
Year-to-date, ang total adjustments ay nagresulta sa net increases na P10.35 kada litro para sa gasolina, P7.75 kada litro sa diesel at P0.50 kada litro sa kerosene.
Samantala, sinabi ng Energy official na umiiral ang 15-day price freeze para sa kerosene at 11-kilogram and below liquefied petroleum gas (LPG) kasunod ng deklarasyon ng state of calamity sa isang partikular na lugar.