MATAPOS ang rolbak sa unang linggo ng bagong taon, nagbabadyang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng oil industry, ang presyo ng gasolina ay tataas ng P0.40 hanggang P0.70 kada litro, diesel ng P0.75 hanggang P1.00 kada litro, at kerosene ng P0.70 hanggang P0.80 kada litro.
Ang pagtaya ay base sa international trading sa nakalipas na apat na araw.
Ang final adjustments ay madedetermina matapos ang trading nitong Biyernes.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, December 31, ang presyo ng gasolina at diesel ay bumaba ng P0.30 kada litro, habang ang kerosene ay tinapyasan ng P0.90 kada litro.
Noong 2024 ang presyo ng gasolina ay nagtala ng net increase na P12.75 kada litro, at diesel ng P11.00 kada litro.
Samantala, ang kerosene ay may total year-to-date net decrease na P2.70 kada litro noong 2024.
Base sa price monitoring ng Department of Energy (DOE), sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P51.75 hanggang P74.92 kada litro; diesel, mula P49 hanggang P67.24 kada litro; at kerosene, mula P70.29 hanggang P81,69 kada litro.
LIZA SORIANO