INAASAHAN ang panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ito na ang ika-5 sunod na linggo na may price cut sa petrolyo.
Sa fuel price forecast nito para sa October 4-10 trading week, sinabi ng Unioil Petroleum Philippines na ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring bumaba ng P0.50 hanggang P0.60.
Samantala, inaasahan naman ang P0.40 hanggang P0.50 kada litrong bawas-presyo sa gasolina.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Set. 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.65, diesel ng P1.25, at kerosene ng P1.35.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Setyembre 27, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina at diesel ay nasa P14.85 at P29.40 65 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Sa datos ng DOE, hanggang Set. 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P61.45 hanggang P71.45 sa Quezon City, habang ang diesel ay mula P65.90 hanggang P74.84 sa Manila.