NABARIL at napatay ang isang inarestong suspek matapos umano itong mang-agaw ng baril ng kanyang pulis escort habang papunta sa ospital para ipa-medical kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Dead on arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktima sanhi ng tama ng bala sa dibdib NA nakilalang si Andy Capia, 42, isang driver-body guard, at naninirahan sa #24, Margarita, Magallanes Village, Brgy. Magallanes, Makati City.
Lumalabas sa report, ang insidente ay naganap dakong alas-3:50 ng hapon sa kahabaan ng Andrews Avenue, Brgy. 190, Zone 20, Pasay City.
Base sa imbestigasyon, dadalhin ang suspek sa Ospital ng Parañaque mula Southern Police District upang ipa-medical examination nang magreklamo ito kay PSSG Angel Dela Cruz, ang imbestigador na isa sa naka-escort sa kany, na nasasaktan sa sobrang sikip ng kanyang posas.
At habang niluluwagan ni Dela Cruz ang posas nito ay biglang inagaw ng suspek ang kanyang service fire arm at nakipagpambuno ito.
Dahil nasa panganib ang buhay ng kasamang pulis, binunot ni Police Lt. Col. Joe Wilson Denmarca, hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ang kanyang baril at pinutukan nito ang nasabing suspek na tinamaan sa dibdib.
Nabatid, na ang suspek ay inaresto ng operatiba ng DSOU dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Fire Arms and Ammunition). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.