QUEZON- ARESTADO ang isang holdaper samantalang nakatakas naman ang dalawa nitong kasamahan matapos masakote sa hot pursuit operation ng mga pulis at makaengkuwentro sa Brgy. San Roque, Catanauan sa lalawigang ito.
Base sa ulat ng Catanauan PNP, bandang alas-8:10 ng gabi nang pasukin ng tatlong holdaper ang isang tindahan sa Brgy. 10 nasabing bayan na pagmamay-ari ni “Lechelle”, nagdeklara ng hold-up at tinangay ang salapi na nagkakahalaga na PHP51,096.00.
Kaagad nakapagsumbong ang biktima sa mga pulis at ni-review ang CCTV para sa pagkakakilanlan ng mga suspek at matugis ang mga ito.
Mabilis na nagkasa ng hot pusuit operation ang mga operatiba at tinugis ang mga suspek na sakay ng kanilang motorsiklo.
Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga suspek matapos maabutan sa nasabing lugar.
Nadakip ang isa na si alias “Ernesto”, 35-anyos samantalang nakatakas naman sina alias “Jimbo” at “Toto” na nagtago sa mabundok na bahagi ng lugar.
Narekober naman mula sa suspek ang isang baril, mga bala, cellphone, pera gayundin ang motorsiklo na ginamit bilang getaway vehicle.
Patuloy pa rin ang paghabol ng mga pulis sa mga nakatakas na holdaper.
Samantala, kasong robbery naman ang inihahandang kaso laban sa naarestong suspek.
BONG RIVERA