BATAAN – Nauwi sa malagim na trahedya ang masaya sanang bonding ng mag-aama na nagpunta sa ilog para humuli ng isdang maiuulam matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig at malunod ang nakababatang anak na babae sa Barangay San Pablo, Dinalupihan.
Batay sa ulat, hindi na nagawang masagip pa ng kanyang ama ang biktimang si Rhian Mae Puerte, 8-anyos, grade 3 student at residente sa nabanggit na lugar.
Kuwento ng ama ng biktima na si Christopher, nagkayayaan umano sila ng kanyang mga anak na babae kasama ang binatilyong kapitbahay na magpunta sa ilog na malapit sa kanilang lugar para kumuha ng maiuulam na isda.
Abala umano siya sa pangingisda kaya hindi napansin ang mga batang nagpunta sa malalalim na bahagi ng ilog kung saan narinig na lamang niyang sumisigaw ang bata na humihingi ng saklolo.
Nagawa umano niyang masagip ang panganay na anak na babae at ang kasamang binatilyo kung saan tatlong beses niyang tinangkang iligtas ang nalulunod na anak pero dahil sa lakas umano ng agos ay natangay pa rin ang bata at tuluyan ng lumubog.
Inabot ng halos isa’t kalahating oras bago matagpuan ang bangkay ng biktima. ROEL TARAYAO
Comments are closed.