(Nanlaban sa pulis) 1 PATAY, 1 SUGATAN SA DRUG BUY BUST SA NAVOTAS

patay

PATAY ang isang hinihinalang drug pusher habang sugatan ang kasabwat nito matapos makipagbarilan sa mga pulis sa naganap ng drug buy bust ope­ration sa Navotas City, Linggo ng madaling araw.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng tama ng bala sa kanang bahagi ng tiyan si  Edmundo Sedonio alyas “Monmon”, 25, habang nakaratay naman sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center sanhi rin ng tama ng bala sa katawan si Allan Tremotcha, 47, ­kapwa ng Market 3, NFPC, Brgy. NBBN.

Sa report na nakarating kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-12:40 ng madaling araw nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra kay Sedonio at Tremotcha sa koordinasyon sa PDEA.

Habang nagtatransaksiyon ang mga suspek at pulis na poseur-buyer, napansin ni Tremotcha ang presensiya ng mga operatiba kaya naglabas ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis na sinundan pa ng mga putok mula kay Sedonio na armado ng cal. 45 baril.

Napilitan namang gumanti ng mga putok ang mga operatiba hanggang sa tamaan si Sedonio kaya itinakbo ito ng mga pulis sa TMC Hospital subalit, hindi na umabot nang buhay at narekober sa kanya ang walong sachet ng hinihinalang shabu.

Nagawa namang makatakas ni Tremotcha subalit, natunton ito ng mga pulis sa JRRMMC hospital matapos tumawag ang guwardiya ng ospital sa pulisya hinggil sa isang lalaking nasugatan sa naganap umanong pamamaril.

Narekober ng pulisya sa crime scene ang isang itim na leather pouch na naglalaman ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu at P300 buy bust money na pinaniniwalaang galing kay Tremotcha. EVELYN GARCIA

Comments are closed.