HINILING ng isang party-list lawmaker ang pag-apruba sa Coffee Industry Development Act kasunod na rin ng naging pinsala ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa mga coffee farmer.
Ayon kay AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin, ang pinsalang iniwan ng Taal eruption sa mga coffee farmer ay naglagay sa kanila sa alanganing sitwasyon dahil ngayong buwan pa naman inaasahan ang pamumulaklak at bunga ng mga tanim na kape sa Batangas.
Tinatayang aabot sa 5,000 metric tons o P1.2 billion na halaga ng coffee products ang nawala sa pinsala ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Dahil dito, nababahala si Garin sa pagbaba ng coffee production na makaaapekto sa mga magsasaka na sa kape lamang din umaasa ng kanilang kabuhayan.
Nanawagan si Garin na ipasa na ng Kongreso ang House Bill 3598 na magtatatag ng pambansang programa para bigyang suporta ang coffee industry at makapagbigay ng pamamaraan para maprotektahan ang kapakanan ng mga coffee farmer.
Nakasaad sa panukala na bibigyan ng technical assistance ang planting system at rehabilitation ng coffee farms para sa epektibong production systems.
Hiniling din ng kongresista ang pagkakaroon ng germplasm collection at gene bank ng mga binhi ng kape para matiyak na mape-preserve ito sakaling magkaroon ulit ng natural calamities.
Magtatatag din ng National Coffee Board na pamumunuan ng Agriculture Secretary bilang chairman, Trade and Industry Secretary bilang vice-chairman habang ang mga kalihim ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang siya namang tatayong mga miyembro. CONDE BATAC
Comments are closed.