NAGULANTANG ang mga kabataan sa Brgy. 329, Lope de Vega sa Sta. Cruz, Manila nang wala man lamang koordinasyon sa kahit kaninong opisyal ng naturang barangay na hahakutin ng pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at Department of Public Service (DPS) ang kanilang basketball court.
Napag-alaman na noong nakaraang Mayo 14, 2022 ay nagtungo sa nasabing lugar ang pamunuan ng MTPB at DPS para kausapin ang mga ‘involve’ sa nasabing paliga ng barangay.
Ayon sa ilang tauhan ng nasabing liga, naging maayos naman ang kanilang naging usapan at hinikayat silang magtungo sa City Hall ng araw ng Lunes, Mayo 17 upang kausapin hinggil sa nakuhang impormasyon ng pamahalaang lungsod na ginagawa umanong sugalan ang naturang basketball court.
Subali’t Mayo 15, Sabado ay agaran na lang giniba ang Lope De Vega basketball court na walang nagawa maging ang mga opisyal ng barangay sa naging aksiyon ng pamahalaang Moreno.
Nalulungkot ang may 2,000 kabataang manlalaro na may 108 teams na lumahok sa liga at pawang BBM supporters at lubhang naapektuhan ng pagwasak ng nasabing court at maging ang kanilang mga magulang.
Sinabi ng mga naturang manlalaro na wala naman silang ibang hangad kung hindi magkaroon ng paglilibangan upang makaiwas sa mga ilegal na droga o anumang masamang bisyo o sugal.
Anila, simula pa noong 2007 nagsimula nang magkaroon ng liga sa kanilang lugar at walang ganitong uri ng karahasang nangyari sa kanilang lugar.
At dahil na rin sa inilunsad na basketball program sa naturang barangay naging ‘drug clear’ ang nasabing lugar.
Kinokondena ng mga manlalaro ng Lope De Vega ang ganitong uri ng aksiyon ng kasalukuyang administrasyon, na mistulang pagpapakita ng kawalan ng pagmamahal sa mga kabataang Manilenyo.
Sinabi pa ng mga kabataan na naging masakit para sa kanila ang pakakagiba sa kanilang basketball court lalo na ngayong nasa Alert level 1 na ang Maynila makalipas ang halos dalawang taon nilang pagkakakulong sa loob ng bahay dahil sa nagdaang pandemya.
“Pinulitika kami ni Isko nang matalo sila sa aming barangay,” sigaw ng mga manlalaro ng Lope De Vega.