KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na may 63 Pinoy na ang nagpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) at sila ay nasa apat na magkakahiwalay na bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, pinakamaraming nagpositibo sa sakit sa cruise ship na MV Diamond Princess, na nakadaong sa Japan, na umabot na sa 59, bagama’t dalawa naman umano sa mga ito ang nakarekober at nasa maayos nang kalusugan.
Mayroon din aniya ang dalawa pang Pinoy na may COVID-19 sa United Arab Emirates, isa sa Hong Kong, at isa sa Singapore.
Ang mga naturang Pinoy na may sakit pa ay kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa mga pagamutan sa mga bansang kanilang kinaroroonan.
Nabatid na ang Pinay domestic helper na nagkasakit sa Hong Kong ay nasa mabuting kalagayan na.
Samantala, ang 43-anyos na Pinoy naman sa UAE, ay ini-admit sa pagamutan dahil sa nahirapan itong huminga at kasalukuyang naka-respirator at hindi pa umano stable ang lagay nito sa kasalukuyan, batay na rin sa ulat ng embahada ng Filipinas sa UAE.
Ang isa pang Pinoy sa UAE na 34-anyos naman ay nasa maayos nang kalagayan habang ang Pinoy naman sa Singapore ay 41-anyos at permanenteng residente na roon.
Bumiyahe umano ito ng China at kasalukuyang naka-confine sa pagamutan at nasa stable na ring kondisyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.