(Nasa likod ng overpriced na PPE, medical supplies) ABUSADONG TRADERS TINUTUGIS

TINUTUGIS ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Custom (BOC),  National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante na nasa likod ng overpriced na personal protective equipment (PPE) at medical supplies sa Metro Manila.

Ang mga abusadong negosyante ay pananagutin sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act at ang kanilang ginagawa ay pananamantala habang pinaiiral ang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ) para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Matatandaan na noong March 25 at March 31 ay sinalakay ng BOC-IG ang tatlong tindahan ng medical supplies sa Maynila  at nakumpiska ang tinatayang P20 million na halaga ng mga PPE at medical supplies na kinabibilangan ng face masks, gloves, goggles, at medical items tulad ng alcohol, thermal scanners, test tubes, at syringes.

Samantala, isang hot pursuit operation ang ikinasa ng BOC, NBI at DTI, kasama ang Philippine Coast Guard (PCG), laban sa mga trader na nagbebenta ng gamot sa coronavirus na walang permit mula sa Food  and Drugs Administration (FDA). FROILAN MORALLOS

Comments are closed.