(Nasabat sa Oplan Sita) RIDER ARESTADO SA DALANG DROGA

shabu

VALENZUELA – NASAKOTE ang isang rider matapos matuklasan ang dalang ilegal na droga makaraang masita ng mga pulis na nag-sasagawa ng Oplan Sita dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa lungsod na ito.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces ang naarestong suspek na si Hen Rieto Entienza, 33, construction worker ng Upper Tibagan, Brgy. Gen T. De Leon.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Christopher Quiao, dakong alas-5 ng hapon, nagsasagawa ng Oplan Sita sa kahabaan ng Pabaya St., Brgy. Mapulang Lupa ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 8 MLPAC sa pangunguna ni PEMS Ronaldo Ruiz sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt Cristian Famorcan nang parahin ni PSSg Salvador Estaris Jr. at PCpl Melven Esguerra ang suspek na sakay ng motorsiklo.

Nang beripikahin, walang naipakitang lisensya ang suspek at nang ipalabas ang laman ng kanyang bulsa ay pumalag ito sa mga pulis, subalit nagawa itong mapigilan ni PSSg Estaris at PCpl Esguerra.

Narekober sa suspek ang isang stainless box na may lamang 16 piraso ng plastic sachets na may  humigi’t kumulang sa 3 gramo ng hinihina­lang shabu na nasa P20,400 street value at isang cellphone. GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.