ISANG 13-anyos na binatilyo ang kinailangang putulan ng dalawang daliri matapos na masabugan ng cylinder, na isang uri ng ilegal na paputok.
Batay sa Fireworks-Related Injuries (FWRI) Report ng Department of Health (DOH), ang naturang binatilyo ay mula sa Barangay Betes, Ali-aga, Nueva Ecija, at nasabugan ng ginamit na cylinder kamakalawa, Disyembre 29.
Ayon sa DOH, isinugod ang binatilyo sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (DPJGMRMC) ngunit malaunan ay inilipat sa DPJGMRMC Talavera Extension Hospital matapos na matukoy na nagkaroon ito ng traumatic amputation ng kanyang ring finger at 5th digit finger o hinliliit.
Anang DOH, ang naturang kaso ay kabilang sa walong bagong kaso ng fireworks injuries na naitala nila mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 29 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 30.
Dahil sa mga naturang bagong FWRI, umaabot na ngayon sa 54 katao ang kabuuang bilang ng mga nabiktima ng paputok, na iniulat ng may 61 sentinel hospitals sa bansa, mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21.
Pinakabatang nabiktima ng paputok ay isang taong gulang na bata habang pinakamatanda naman ay 71-anyos, at may median age na 10-taong gulang.
Sa naturang mga kaso, 43 o 80% ang mga lalaki at 40 o 74% ang nagtamo ng blast/burn without amputation; 14 o 26% ang mayroong eye injuries; at dalawa naman o 4% ang nagtamo ng blast/burn with amputation.
Nauna nang naputulan ng mga daliri ang isang 7-taong gulang na batang lalaki na mula sa General Trias, Cavite City, na pinulot lamang ang isang ‘di natukoy na uri ng paputok, ngunit minalas na pumutok sa kanyang kaliwang kamay. Kasalukuyan pang naka-confine ang bata sa Philippine General Hospital at nagpapagaling.
Pinakamarami pa ring naputukan sa National Capital Region, na may 21 kaso; sumunod ang Regions 1 at 7 na may tig-6 kaso; Regions 2 at 5 at Calabarzon, na may tig-4 na kaso; Regions 6 at 12 na may tig-3 kaso; at Regions 3, 5 at 11, na may tig-isang kaso.
Sa NCR, pinakamaraming nabiktima sa Maynila, na may 12 kaso; sumunod ang Quezon City na may 5 kaso; Marikina City na may 2 kaso at may tig-isang kaso naman ang mga lungsod ng Mandaluyong at Pasay.
Ang mga paputok naman na pinakamaraming nabiktima ay ang piccolo (8 kaso); boga (6); kwitis (5); at ang 5-star, luces at whistle bomb (tig-4-kaso).
“These were all injuries due to fireworks. No stray bullet injury or firework ingestion reported. No death reported,” ulat pa ng DOH.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang DOH sa publiko na ang pagpapaputok ay may kaakibat na disgrasya, kaya’t pinayuhan ang lahat na umiwas na sa paggamit ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.