UAE – NILINAW ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi kaso ng 2019 novel coronavirus ang dahilan ng pagkamatay ng isang overseas Filipino worker sa Dubai.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, unang nakalap ng DOLE ang balita kaugnay sa pagkamatay ng OFW na si Amalia Collado Daproza sa Al Zahra Hospital sa United Arab Emirates.
Gayunman, nilinaw nito na batay sa report na natanggap niya mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai, lumalabas sa resulta ng confirmatory tests na isinagawa ng Pathology and Genetics Department ng Dubai Health Authority sa specimen ni Daproza, nagresulta itong negatibo sa novel coronavirus.
Una nang sinabi ng kalihim nitong Huwebes na ang nasabing OFW ay namatay dahil sa “coronavirus” batay sa inisyal na impormasyong naibigay sa kanyang opisina. Subalit hindi nilinaw ni Bello na ito ay ang 2019 novel coronavirus.
Samantala, humingi na rin ng paumanhin si Bello sa gobyerno ng Dubai dahil sa naturang konklusyon at sa naging posibleng resulta ng anunsiyo. PAUL ROLDAN