HINDI ang pagiging banal o may malinis na pagkatao ang basehan para kilalanin ang isang indibidwal bilang National Artist, bagkus ito’y pagkilala sa malaking naiambag nito sa larangan ng sining at kultura ng bansa.
Ito ang binigyang diin ng isang kongresista na naghain ng kanyang House Resolution no. 1352.
Iginiit ni ACT-CIS partylist Rep. Niña Taduran na pangunahan ng Kamara ang pagnomina kay showbiz superstar Nora Aunor para sa National Artist Award for Film dahil sa mga hindi mapapantayang kontribusyon nito sa Filipino movie industry.
“She has been denied the recognition twice. We are not looking for a saint. We just want to honor someone for her amazing talent and work which brought glory and inspiration to the country,” tahasang sabi pa ng mambabatas.
Ayon kay Taduran, sa limang dekadang karera ni Aunor, ito’y tumanggap ng local at international acting awards, kabilang ang Best Actress award sa Filipino Academy of Movie and Arts Sciences (FAMAS), Gawad URIAN, PMPC Star Awards, Metro Manila Film Awards, Luna Awards at Young Critics’ Circle Awards.
Gayundin ang Best Actress award sa Cairo International Film Festival, Saint Tropez International Film Festival, Asian Film Awards at Venice International Film Awards. Siya rin ang kauna-unahan at nag-iisang Pilipinong artista na nakatanggap ng Certificate of Honors sa Cannes noong 1981 at Berlin noong 1983.
Maging ang Cultural Center of the Philippines ay pinarangalan siya ng Gawad CCP Para sa Sining for Film and Broadcast Arts noong 2015. Ang CCP at National Commission on the Culture and Arts ang nangunguna sa paghahanap at nag-aaral sa background ng mga nominado para sa National Artist.
Bukod dito, si Aunor ang kauna-unahang aktres na nabigyan ng parangal bilang isa sa Ten Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 1983.
“Ano pa ba ang hinahanap natin para maibigay ang Order of National Artist recognition para sa batikang aktres na si Nora Aunor? Napakarami nang karangalan ang naiuwi n’ya sa ating bansa at nakilala ng husto ang husay ng Pinoy sa buong mundo sa sining ng pag-arte dahil kay Ate Guy,” ani Taduran. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.