(National MSME Week ipinadedeklara) MALILIIT NA NEGOSYO SUPORTAHAN

MSMEs

NAIS ni Senador Win Gatchalian na isabatas ang deklarasyon ng “National Micro, Small, and Medium-Enterprise (MSME) Week” mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 2 ng bawat taon sa hangaring makakalap ng kinakailangang suporta para sa mga maliliit na negosyante.

Ang Senate Bill No. 949 na inihain ni Gatchalian ay naglalayong kilalanin ang mahalagang papel ng mga MSME para sa pagpapalakas ng bansa, hikayatin ang mga pribadong negosyo, at itaguyod ang diwa ng pagnenegosyo.

“Mahalaga ang papel ng MSMEs sa pagsusulong ng sustainable development goals, pagkamit ng inclusive growth, paghikayat sa inobasyon, gayundin sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga lokal na komunidad, at nang sa gayon ay makilala natin ang kanilang mga kontribusyon sa paglago ng pambansang ekonomiya,” diin ni Gatchalian.

Ang panukalang MSME Week ay alinsunod din sa isang resolusyon na pinagtibay ng United Nations General Assembly noong 2017 na kinikilala ang Hunyo 27 bilang World MSME Day. Ang resolusyon ay nagsisilbing paalala sa mga pamahalaan sa buong mundo na itaguyod ang pagnenegosyo kung saan maaaring umunlad ang maliliit na kompanya.

Ang MSMEs ay nag-aambag ng humigit-kumulang 90% ng mga negosyo, 60% hanggang 70% ng trabaho, at 50% ng gross domestic product sa buong mundo. Sa Pilipinas, humigit-kumulang 1.076 milyon o 99.9% ng mga establisimiyento ang itinuturing na MSME batay sa 2021 na datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ilalim ng iminungkahing batas, ang Department of Trade and Industry (DTI), sa konsultasyon at pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno at mga asosasyon at organisasyon ng industriya, ay magiging responsable para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa MSMEs Week.

“Kailangan nating itaguyod at suportahan ang mga maliliit na negosyo sa bansa para mapanatili nating malakas ang paglago ng ekonomiya at tuloy-tuloy ang paglikha ng mga trabaho para sa ating mga kababayan,” dagdag ni Gatchalian.

-VICKY CERVALES