NATIONWIDE RESHUFFLE SA PNP; PIO CHIEF PINALITAN

PNP

CAMP CRAME – EPEKTIBO ngayon, ang malawakang balasahan sa Philippine National Police (PNP) kung saan nagalaw sina Chief Supt. Camilo Cascolan na mula sa pagiging director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay magiging pinuno ng Civil Security Group (CSG) kapalit ni Director Federico Larosa Dulay Jr. na inilagay sa Office of the Chief PNP.

Magiging acting NCRPO director naman si Chief Supt. Guillermo Eleazar na dating provincial director ng Calabarzon o Police Region Office-4A na pinalitan ni Chief Supt. Edward Carranza na dating director ng  Police Region Office-Cordillera.

Pinalitan naman ni Chief Supt. Rolando Zambale Nana mula sa NCRPO si Carranza habang si Chief Supt. Rolando Anduyan ng PRO-ARMM ang pumalit kay Nana.

Habang si PNP Spokesperson Police Chief Supt. John Bulalacao ay nalipat bilang Regional Director ng Police Regional Office 6, papalit sa kanyang puwesto si Sr. Supt. Benigno Bugay Durana.

Si Chief Supt. Cesar Hawthorne Rivera Binag ay magiging acting director para sa Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM).

Kabilang din sa sapol sa balasahan ang hepe ng PNP-Highway Patrol Group na si  Chief Supt. Arnel Escobal na inilipat sa DICTM.

Si Chief Supt. Joel Coronel ng Manila Police District ay itinaas bilang director ng Deputy Regional Director for Administration;  si Chief Supt. Roberto Fajardo na da­ting hepe ng Anti-Kidnapping Group at Northern Police District ang itinalaga bilang kapalit ni Escobal sa PNP-HPG.

Ang  reshuffle ay alinsunod sa Special Order  Number 7699 na may petsang May 31, 2018 at isinulat ni Dir. Archie Francisco F. Gamboa, hepe ng Directorial Staff batay na rin sa kautusan at agarang pagpapatupad ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde.

Samantala, ipinaliwanag ni Bulalacao na  ang biglaang balasahan ay batay na rin sa serye ng evaluation na ginagawa ng oversight committee.

Kasama sa naging paliwanag ay dahil matagal na sa ibang posisyon ang iba habang may mga magreretiro na gaya ni Dulay.

“Una because of the impending retirement of the the police directors, director ng CSG, at director ng DRT,  so naturally magkakaroon mag trigger ito ng reshuffle and after the evaluation by the oversight commitee may  nalaman na ‘yun palang mga ibang regional directors have already exceeded sa required number of years sa kanilang stint ‘yung term of office nila na 2 years, ‘yung iba roon ay sobra na.

Nilinaw rin ni Bulalacao na hindi demotion ang nangyari kay Cascolan na inilagay sa CSG dahil kinakailangan nang mapunan ang puwesto lalo na’t  outgoing na si Dulay.

Sa kaso naman ni Eleazar, inamin ni Bulalacao na desisyon at rekomendasyon ng oversight committee na ilagay ang dating Calabarzon chief sa NCRPO.   EUNICE C.