NAT’L ATHLETES PRAYORIDAD SA COVID-19 VACCINE

ramirez

MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Philippine Sports Commission (PSC) sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para matiyak na mabibigyan ng COVID-19 vaccine ang national athletes, partikular ang mga sasabak sa ibang bansa sa 2021.

Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, umaasa siyang mababakunahan ang mga national athlete sa Enero 2021 dahil maraming sporting events sa susunod na taon, kabilang ang Tokyo Olympics.

Nakatakda ring lumahok ang mga Filipino athlete sa ilang Olympic qualifiers, sa Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Thailand sa Mayo, at sa 2021 Southeast Asian Games sa Vietnam sa Nobyembre.

“Ang Philippine Sports Commission ay parte siya ng DOH, GAB at saka CHED sa sports. We will communicate with the DOH to give priority to sports who will be competing for 2021,” wika ni Ramirez sa kanyang pagbisita sa “PSC Hour”.

“Maganda sana, by January na-vaccinate na ang mga atleta,” dagdag pa niya.

Gayunman ay aminado siya na mahihirapang maisakatuparan ito dahil sa procurement issues na kinakaharap ng bansa.

Ang Filipinas ay kasalukuyang nakikipagnegosasyon sa Pfizer para sa pagbili ng COVID-19 vaccine, kung saan sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na maaari silang makabuo ng kasunduan sa pharmaceutical giant ngayong buwan o sa Enero.

Inaasahang matatanggap ng bansa ang bakuna sa Marso o Abril.

Sa kabila ng mga isyu, sinabi ni Ramirez na magiging maagap ang ahensiya sa pagsisikap na makabili ng bakuna para sa mga atleta.

“I will ask Marc Velasco, my chief of staff, to coordinate with DOH and IATF, if we can possibly be given some priority for the vaccination of the athletes who will be participating in Olympics, SEA Games, Asian Games activities sa darating na 2021,” aniya.

Comments are closed.