NASABAT ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang biktima ng scam na nauto na magbayad ng P120,000 kapalit ng pekeng tulong para ilegal na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Mary Jane Hizon, Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) chief, naharang noong Enero 2 si alias Amy, 27, matapos magtangkang umiwas sa immigration inspection habang nagpapanggap na turista patungong Bangkok.
Nabuking si alias Amy ng immigration officers at mga supervisor matapos subukang dumaan sa departure counters ng hindi niya naipakita ang kanyang pasaporte at boarding pass na sinabing hawak umano ng isang hindi kilalang lalaki na nakilala niya sa isang restawran malapit sa paliparan.
Inamin ni alias Amy na nakita niya ang isang Facebook post na nag-aalok ng immigration escort services at nagbayad siya rito sa pamamagitan ng online bank transfers.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, pinaghihinalaan ng ahensya na ang biktima ay posibleng biktima ng sindikato ng mail-order bride.
Dinala ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong.
RUBEN FUENTES