NAVO NAGBIDA SA SLP-TEAM PHILIPPINES SA HK SWIMFEST

swimmers

KUMABIG ang Swim League Philippines (SLP)-Philippine Team ng kabuuang 10 medalya, tampok ang apat na ginto, kabilang ang tatlo mula sa top performer na si Richard Nielson Navo sa katatapos na Hong Kong Stingrays Summer Sizzler Invitational Swimming Championship sa HongKong Olympic Swimming pool.

Humirit ang 15-anyos na si Navo, pambato ng South Warriors Swimming Team, sa boys 15-under class 50m backstroke sa tiyempong 31.73 segundo, gayundin sa 100m breaststroke (1:19.83) at 50m freestyle (27.75) para pangunahan ang koponan na binuo mula sa serye ng mga torneo ng SLP.

Dinugtungan ni Raina Samantha Leyran, Palarong Pambansa qualifier ngayong taon, ang ratsada ni Navo matapos pagbidahan ang girls 13 &over15-under 50m butterfly sa tiyempong 30.04 segundo. Nasungkit din niya ang bronze medal sa 50-m back at bahagi ng 200m girls medley relay (bronze) at 200m mixed medley relay.

Nag-ambag naman si Kendra Beatrice Larrobis ng Cavite SeaBeast Swimmimg Team ng isang silver sa girls 14-over 50-m butterfly.

“Masayang-masaya kami dahil sa ipinakitang determinasyon ng ating mga batang swimmers. Hindi matatawaran ang karanasan na nakuha ng mga bata dito at ang mga medalyang napagwagian ang nagpadoble sa kasiyahan ng buong delegasyon,” pahayag ni team head delegation coach Marlon Dula.

Humirit naman ng bronze medal si Hannah Magale sa girls 14yrs old 50m breast para madagdagan ang nakamit na silver medal sa 200m girls medley relay; dalawang bronze ang naiuwi ni Elijah Ebayan sa boys 14 yrs -old 50m fly at 50m back; kumana si Marc Bryan Dula ng bronze sa boys 16yrs old 200m mixed medley relay; at naka-bronze naman si Feriz Gabriel Espano sa 15-yrs old 50m back.

-EDWIN ROLLON