TARGET ng Department of Labor and Employment (DOLE) na buksan ang aplikasyon para sa one-time P5,000 cash aid sa mga manggagawa mula sa pribadong sektor na naapektuhan ng Alert Level 3 sa Metro Manila at iba pang lugar hanggang sa katapusan ng buwan.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay na iprinisinta na kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang draft guidelines para sa P1-billion COVID Adjustment Measure Program (CAMP) 2022 ng ahensiya.
“Hopefully, starting next week tayo ay mag-o-open na ng ating system for application of CAMP for the formal sectors affected by Alert Level 3 or higher,” ani Tutay.
Aniya, nasa 200,000 manggagawa ang target na mabenepisyuhan ng CAMP 2022.
Bibigyang prayoridad sa CAMP 2022 cash aid program ang mga manggagawa na na-displace dahil sa permanent closure ng business establishments na kanilang pinagtatrabahuhan o yaong tinanggal sa trabaho ng kanilang employers.
Sa datos ng DOLE mula January 1 hanggang 15, 2022, may kabuuang 11,586 workers ang nawalan ng trabaho sa buong bansa mula sa 759 establisimiyento, 91% o 687 ang nabawasan ang oras ng trabaho habang 9% o 72 ang permanenteng nagsara.