NAWAWALANG MANGINGISDA LUMUTANG SA LAWA

lawa

LAGUNA – MAKALIPAS ang dalawang araw na isinagawang Rescue and Retrieval Operation ng mga awtoridad sa nawawalang mangingisda sa Lawa ng Laguna sakop ng Brgy. Linga lungsod ng Calamba, natagpuan ang palutang-lutang na katawan nito kahapon ng madaling araw sa Brgy. Baclaran sa lungsod ng Cabuyao.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng napadpad sa lugar ang biktimang si James Bryan Laude, 32-anyos bunsod ng malakas na alon ng tubig nang tumaob ang sinasakyan nilang bangka kasama ang lima pang mangingisda na nasagip noong Linggo.

Ayon sa ulat, magkakasunod na nasagip ng mga kagawad ng Public Office and Safety Order (POSO) Coast Guard at pulisya ang lima sa mga nakaligtas na sina Florante Obciara, 50-anyos, bangkero ng Brgy. Looc; Mervin Villiapano, 35-anyos ng Brgy. Pansol; Polinar Casipit, 25-anyos ng Brgy. Looc; Zaaurie Denver Norte, 11-anyos; James Christopher Columbres, 32-anyos, habang ang nasawing si Laude ay mabilis na nilamon ng malakas na alon ng tubig.

Sa imbestigasyon, sinasabing nagkayayaan ang mga ito na mangisda sa laot nang biglang lumakas ang alon ng tubig at tumaob ang sinasakyang Bangka. DICK GARAY

Comments are closed.