NAREKOBER na ng mga awtoridad ang 80 taong gulang na obra maestra ni Fernando Amorsolo na ninakaw mula sa isang museo sa Silay City, Negros Occidental.
Inaresto ng National Bureau of Investigation Special Task Force ang suspek na si Ritz Ching na nagtangkang ibenta ang “Mango Harvesters” ni Amorsolo sa isang negosyanteng kinilala lamang sa pangalang “Andy.”
Nakuha kay Ching ang painting sa isang sting operation sa isang parking lot sa Quezon City.
Sinabi ni Andy na ang painting ay inalok sa kanya ng isang abogado sa halagang P3.5 milyon noong Hulyo 7.
Sinasabing may utos sa kanila na nakawin ang painting. Dinala nila sa Manila ngunit hindi sila nabayaran.
Kinabukasan ay nakilala ni Andy ang abogado at nakumpirma niya na iniaalok niya ang ninakaw na obra maestra.
“Ang sabi nila is pera pera lang ito. Ma-dispose lang ito mabilisan. Para sa kanila, hindi nila pinahahalagahan ang heritage natin,” ayon kay Andy.
Tinulungan ng ABS-CBN News si Andy na makipag-usap sa NBI na nagresulta sa pagkakaaresto kay Ching.
Tumangging ipaliwanag ng suspek kung paano niya nakuha ang painting.
“Inutusan lang ako na dalhin yan dyan. Hindi po namin alam na painting po yan,” pahayag nito.
Sinampahan ng NBI ng kaso si Ching at ang kanyang driver dahil sa paglabag sa Anti Fencing Law. Kasama rin sa complaint sheet ang hindi pa pinangalanang abogado.
Ang Amorsolo painting ay ibinebenta sa halagang P46.7 milyon sa auction.
Kinumpirma ng National Museum na ang nakuhang painting ay gawa nga ni Amorsolo at sinasabing nagkakahalaga ng P10 milyon.