(Nawindang sa mahabang pila) DOTR SEC. PERSONAL NA SUMAKAY SA MRT, LRT

MULING nawindang si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nang personal na makita ang mahabang pila sa iba’t ibang istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito ay makaraang sumakay si Bautista sa MRT-3, upang magsagawa ng surprise inspection at makita umano ang sitwasyon sa lahat ng istasyon ng tren at para na rin maranasan niya ang araw-araw na biyahe ng tren at kalbaryo ng mga pasahero.

Mula Kamuning Station sa Quezon City hanggang Taft Avenue station ng MRT-3 ang binaybay ni Bautista kung saan ay napuna niya ang kakaunting waiting seats para sa seniors, PWDs at mga buntis kaya plano niya itong padagdagan pa.

Bukod dito, kailangan din na madagdagan ang mga x-ray machine kasabay nang paghikayat sa publiko na gumamit ng beep cards upang hindi maabala at mabawasan ang mahabang pila sa tren.

Unang napansin ng kalihim ang mahabang pila ng mga mananakay ng mga pampasaherong sasakyan kaya naman ito ang kaniyang ipaprayoridad na lutasin dahil ang kasalukuyang status quo ay hindi katanggap-tanggap sa administrasyong Marcos.

Ipinangako rin ni Bautista kay Pangulong Bong Bong Marcos na kaniyang babaguhin o ita-transform ang Philippine transport industry at itataas nito ang pandaigdigang pamantayan. EVELYN GARCIA