NBA ‘EXCITED’ NA SA PBA RESTART

Scott Levy

NAKASUBAYBAY ang NBA sa PBA sa pagsisikap nitong ipagpatuloy ang season nito sa isang bubble makaraang ibahagi ang kanilang protocols sa liga.

Ayon kay Scott Levy, managing director ng NBA Asia, ‘very excited’ na sila para sa PBA, na nakatakdang ipagpatuloy ang All-Filipino Cup sa October 11 sa isang bubble sa Clark, Pampanga.

“(We are) very much aware and very well-connected to the PBA. We have shared our protocols with them already,” wika ni Levy sa isang conference call.

“We’ve shared them with the PBA, and we are staying connected, and available for any questions that they may have. We are rooting for them to be successful, and very excited that the PBA will be starting up again soon,” dagdag pa niya.

Tulad ng NBA, kinailangan ng PBA na suspendihin ang season nito noong Marso dahil sa COVID-19  pandemic.

Habang ang NBA ay nakabalik na noong Hulyo, ang  PBA ay natagalan dahil sa mahigpit na quarantine restrictions sa Filipinas.

Matapos ang mahabang pakikipag-usap sa ilang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Games and Amusements Board (GAB) at ang Inter-Agency Task Force (IATF),  sa wakas ay pinayagan ang PBA na ipagpatuloy ang season nito, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Nagsimula nang dumating ang mga koponan sa Clark nitong linggo, at ang mga player at coach ay kasalukuyang naka-isolate sa kanilang hotel rooms habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab tests.

Ayon kay Levy, hindi lamang ang PBA ang tinulungan ng NBA kundi maging ang ibang liga kung saan ibinahagi nila ang kanilang protocols.

“Many leagues around the world, anybody who wants them, we will share. We’re all in this together,” aniya.

Comments are closed.