SINIKAP ng Houston Rockets na kumbinsihin si James Harden na manatili sa koponan sa pag-import kay John Wall mula sa Washington Wizards.
Subalit sa kasawiang-palad ay hindi umubra ang taktikang ito.
Sa report ng ESPN, si Harden, ang three-time defending NBA scoring leader at dating league MVP, ay patuloy na humihingi ng trade palabas ng Houston.
Batay sa report, nang ma-late si Harden sa pagdating sa training camp ng Rockets noong nakaraang linggo ay inihayag niya sa Rockets ownership at management ang kanyang intensiyon na maging professional sa pagsama sa koponan.
Subalit nais pa rin niyang magkaroon ng bagong koponan.
Napaulat na nakipag-usap na ang Brooklyn Nets at Philadelphia 76ers sa Rockets hinggil sa trades.
Muling makakasama ni Harden sa Brooklyn si dating Oklahoma City Thunder teammate Kevin Durant, na makailang ulit nang pinabulaanan ang mga report na nag-usap na sila ni Harden hinggil sa paglipat ng huli sa Brooklyn buhat magsimula ang training camp ngayong buwan.
Si Harden ay hindi pa nag-eensayo habang sumasailalim sa COVID-19 protocol ng NBA, ngunit kapag pumasa siya sa kanyang ika-6 na sunod na test sa Lunes ay maaari na siyang sumama sa koponan.
Ayon kay bagong Rockets coach Stephen Silas, si Harden ay sasalang sa kanyang preseason debut sa Martes kontra San Antonio Spurs.
“We’ll figure out the minutes (Tuesday),” ani Silas.
Ipinamigay ng Rockets si guard Russell Westbrook sa Washington kapalit ni Wall bago magsimula ang camp. Ang one-year teaming ni Westbrook kay Harden ay hindi umubra kung saan natalo ang Rockets sa second round ng Western Conference playoffs sa limang laro laban sa Los Angeles Lakers.
Si Wall ay hindi naglaro noong nakaraang season at hindi pa nakapaglaro ng regular-season NBA game magmula noong Dec. 26, 2018 dahil sa knee, foot at Achilles surgeries.
Comments are closed.