NBA: PACERS, CELTICS NAGPASIKLAB SA SCRIMMAGES

Luka Doncic

HINDI sapat ang halos triple-double ni Luka Doncic nang pataubin ng Indiana Pacers ang Dallas Mavericks, 118-111, sa isang scrimmage bago ang pagpapatuloy ng NBA season sa Linggo sa Orlando (Lunes sa Manila).

Nagbuhos si Doncic ng 20 points, 11 rebounds, at 9 assists sa loob ng 24 minuto lamang na paglalaro. Tinulungan niya ang Mavericks na maitarak ang 37-26 kalamangan matapos ang first quarter.

Gayunman ay nadominahan ng Pacers ang second at third frames, kung saan na-outscore nila ang Mavs, 66-49. Makaraang kunin ang 92-86 kalamangan sa pagtatapos ng third quarter, napangalagaan nila ang bentahe sa dikit na fourth period.

Kumana si Malcolm Brogdon ng all-around game na 17 points, 7 rebounds, at 6 assists para sa Pacers, habang tumipa si Victor Oladipo ng 16 points at 7 boards. Umiskor si TJ Warren ng team-high 20 points.

Ang Mavericks ay naglaro na wala si Kristaps Porzingis, na kinailangang sumailalim sa one-day quarantine sa “bubble” ng NBA makaraang makalimutan na magpa-test para sa COVID-19.

Samantala, bumawi ang Boston Celtics mula sa mabagal na simula upang palubugin ang Phoenix Suns, 117-103, sa isa pang scrimmage.

Naghahabol ng tatlong puntos, 32-29, matapos ang opening quarter, nakontrol ng Celtics ang second quarter at lumayo sa third period, kung saan na-ouscore nila ang Suns ng 9 points.

Bumanat si Jaylen Brown ng game-high 21 points para sa Celtics, at nagdagdag si Jayson Tatum ng 16 points at 9 rebounds.

Comments are closed.