NCAA: 3-0 SA LADY BLAZERS, LADY ALTAS

Mga laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
9 a.m. – JRU vs LPU (Men)
12 noon – JRU vs LPU (Women)
2 p.m. – SSC-R vs Mapua (Women)
4:30 p.m. – SSC-R vs Mapua (Men)

MAGAAN na dinispatsa ng defending champion College of Saint Benilde ang San Beda, 25-14, 25-15, 25-14, upang hilahin ang kanilang perfect run sa tatlong laro sa NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Bumanat si Jade Gentapa ng 15-of-24 attacks na sinamahan ng 10 digs at 7 receptions habang gumawa si Gayle Pascual ng 2 blocks upang tumapos na may 14 points para sa Lady Blazers na nangailangan lamang ng 66 minuto upang ipalasap sa Lady Red Spikers ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.

Nalusutan ni assistant mentor Jay Chua, na hinawakan ang Benilde sa larong ito kapalit ni coach Jerry Yee, ang minor hump sa laro upang manatiling walang talo.

“Siguro ‘yung sa transition. Kailangan lang naming bantayan ‘yung mga tao nila,” sabi ni Chua. “Since wala si coach Jerry, binigyan naman sila ng trust na maglaro and composed sa every point.”

Nag-ambag si Cristy Ondangan ng 9 points, gumawa si setter Cloanne Mondoñedo ng 13 excellent sets at nagpakawala ng 2 service aces upang tumapos na may 7 points, habang umiskor din si Jessa Dorog ng 7 points, kabilang ang 2 service aces para sa Lady Blazers.

Kalaunan ay sinamahan ng University of Perpetual Help System Dalta ang Benilde sa liderato kasunod ng 22-25, 25-22, 25-14, 25-19 panalo kontra Arellano.

Bumawi ang Lady Altas mula sa opening set upang umangat sa 3-0, habang ipinalasap sa Lady Chiefs ang kanilang unang talo sa season.

Nagbuhos si rookie Shai Omipon ng 24 points, kabilang ang 2 service aces, habang nagpakawala si Mary Rhose Dapol ng 4 service aces para sa 19-point effort na sinamahan ng 8 digs para sa Lady Altas.

Bumanat si newcomer Laika Tudlasan ng 23 kills at nakakolekta ng 7 digs habang gumawa si Trina Abay ng 3 blocks upang tumapos na may 11 points para sa Lady Chiefs.

Nagtala sinTrisha Paras ng 8-of-15 spikes para sa San Beda.

Sa men’s division, bumawi ang San Beda mula sa tough five-set loss sa Arellano sa 25-18, 25-14, 18-25, 25-21 panalo kontra Benilde upang umangat sa 2-1 record.