NCAA: ELIMS SWEEP TARGET NG LETRAN

Standings             W    L

*Letran 8     0

San Beda             7     1

Mapua  7     2

**CSB    5     4

**Arellano          4     5

Perpetual             3     5

EAC        3     5

SSC-R     3     6

LPU        2     7

JRU                       1     8

*Final Four

**Play-in

 

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

12 noon – Perpetual vs EAC

3 p.m. – Letran vs San Beda

PASOK na sa Final Four, gagawin pa rin ng Letran ang lahat para manalo kontra long-time rival San Beda ngayong Biyernes sa pagtatapos ng NCAA men’s basketball eliminations.

Target ng Knights ang nine-game sweep sa elims laban sa Red Lions sa alas-3 ng hapon sa Filoil Flying V Centre.

Napapanahon lamang na ang marquee match-up sa pagitan ng dalawang koponan ay muling magkakaroon ng live fans sa unang pagkakataon sa gitna ng pandemya.

“It’s really nice to watch a game like that so we’re all excited. The players are excited so hopefully we’ll play good against Letran,” sabi ni San Beda coach Boyet Fernandez.

Sinabi ni NCAA Management Committee Chairman Dax Castellano ng host school College of St. Benilde na bagaman sabik ang lahat sa pagbabalik ng fans, kailangang sumunod ang lahat sa in-venue health protocols ng Filoil management.

“We’re excited that we are welcoming the fans back at the venue,” ani Castellano. “As part of Covid-19 protocols, they have to present vaccination cards and government issued IDs. The venue is available for full capacity.”

Habang walang mawawala sa Knights kapag natalo sila sa laban, ang Lions ay kailangang manalo para makuha ang nalalabing outright Final Four slot.

Ang panalo ng Lions, na sa 7-1 ay may half-a-game lead laban sa 7-2 Mapua Cardinals, ay magbibigay sa kanila ng No. 2 ranking sa Final Four na may twice-to-beat incentive.

Ang kabiguan ay maglalagay sa San Beda sa play-in match-up sa No. 4 College of Saint Benilde sa Linggo, at magbibigay sa Mapua ng isa pang automatic Final Four berth.

Samantala, magsasalpukan ang University of Perpetual Help System Dalta at Emilio Aguinaldo College para sa nalalabing play-in berth sa alas-12 ng tanghali kung saan ang magwawagi ay makakaharap ang Arellano University sa eliminator sa Linggo.

Ang mga koponan na ranked fifth at sixth matapos ang elims ay maghaharap sa do-or-die match, kung saan ang mananalo ay makakabangga ang matatalo sa duelo ng No. 3 at 4 teams para sa huling Final Four berth.

Ang magwawagi sa match-up sa pagitan ng third at fourth ranked squads ang kukuha sa ikatlong Final Four ticket.